Lahat ba tayo ay mayroong mga magulang na nag-aalaga sa ating paglaki? o tayo'y may mga magulang lang pero wala nang pakialam sa atin? Alam ko naman na bawat isa sa atin ay mayroong pamilya at magulang, ngunit hindi ko alam kung ano ang kanilang nais sa akin. Pero naniniwala ba kayo sa kasabihang, "walang nakatitiis na magulang sa kanilang anak"?
Sa aking mga katanungan, halos lahat ay walang katotohanan at walang kasiguraduhan. Pero ayon sa aking karanasan, ang aking mga magulang ay walang pakialam sa akin, at kung minsan naman ay sobrang maalalahanin. Pero sa aking palagay ay mas maraming araw ang walang pakialam nila sa akin. Kaya ko ito nasabi ay dahil kapag ako ay nanghihingi ng pambiling proyekto ay hindi nila ako pinapansin, at hindi nila ako binibigyan ng pera. Ngunit minsan kahit papaano binibigyan nila akong pandagdag na baon. Nakakainis man o nakakapagtampo ay hinahayaan ko na lang. Gumagawa na lang ako ng paraan o sa mas nakatatanda ko na lang na ate ako nanghihingi. Kung sa bagay, ano nga ba ang laban ko sa aking mga magulang? kung ano ang gusto nila, sila ang susundin ko. Ngunit kapag sila ay umaabuso na sila sa kanilang anak ay kailangan ng lumaban. Hindi man maiwasan ang pagseselos sa ating kapatid ay nararamdaman pa din. May paborito man ang aking magulang, mayroon naman akong ate na nagpapaaral sa akin at nag-aalaga.
Mga kabataan na nararamdamang sila'y nag-iisa at sila'y wala nang magulang, magtiwala lamang kayo sa inyong sarili at manalig. Dahil kung wala tayong pananalig, tiyak na mapapariwara ang ating buhay. Sa kabuuan dapat pa ding nating magpasalamat sa ating mga magulang dahil kung wala sila, wala rin tayo. At hindi natin makakamtan ang ating pangarap sa buhay.